Ang mga Kagilagilalas na
Pakikipagsapalaran ni Juan de la Cruz
Jose F. Lacaba
Isang gabing madilim
puno ng pangambang sumakay sa bus
si Juan de la Cruz
pusturang pustura
kahit walang laman ang bulsa
BAWAL MANIGARILYO BOSS
sabi ng konduktora
at minura si Juan de la Cruz.
Pusturang-pustura
kahit walang laman ang bulsa
nilakad ni Juan de la Cruz
ang buong Avenida
BAWAL PUMARADA
sabi ng kalsada
BAWAL UMIHI DITO
sabi ng bakod
kaya napagod
si Juan de la Cruz.
Nang abutan ng gutom
si Juan de la Cruz
tumapat sa Ma Mon Luk
inamoy ang mami siopao lumpia pansit
hanggang sa mabusog.
Nagdaan sa Sine Dalisay
Tinitigan ang retrato ni Chichay
PASSES NOT HONORED TODAY
tabi ng takilyera
tawa nang tawa.
Dumalaw sa Konggreso
si Juan de la Cruz
MAG-INGAT SA ASO
sabi ng diputado
Nagtuloy sa Malakanyang
wala namang dalang kamanyang
KEEP OFF THE GRASS
sabi ng hardinero
sabi ng sundalo
kay Juan de la Cruz.
Nang dapuan ng libog
si Juan de la Cruz
namasyal sa Culiculi
at nahulog sa pusali
parang espadang bali-bali
YOUR CREDIT IS GOOD BUT WE NEED CASH
sabi ng bugaw
sabay higop ng sabaw.
Pusturang-pustura
kahit walang laman ang bulsa
naglibot sa Dewey
si Juan de la Cruz
PAN-AM BAYSIDE SAVOY THEY SATISFY
sabi ng neon.
Humikab ang dagat na parang leon
masarap sanang tumalon pero
BAWAL MAGTAPON NG BASURA
sabi ng alon.
Nagbalik sa Quiapo
si Juan de la Cruz
at medyo kinakabahan
pumasok sa simbahan
IN GOD WE TRUST
sabi ng obispo
ALL OTHERS PAY CASH.
Nang wala nang malunok
si Juan de la Cruz
dala-dala'y gulok
gula-gulanit na ang damit
wala pa rin laman ang bulsa
umakyat Sa Arayat ang namayat
na si Juan de la Cruz
WANTED DEAD OR ALIVE
sabi ng PC
at sinisi
ang walanghiyang kabataan
kung bakit sinulsulan
ang isang tahimik na mamamayan
na tulad ni Juan de la Cruz
No comments:
Post a Comment